Ipinag-uutos ng Islam sa lahat ng mga tagasunod nito ang paniniwala sa mga naunang banal na kapahayagan at ang paniniwala sa lahat ng mga Sugo at Propeta ng Allah. Kailangang mahalin silang lahat, kilalanin at igalang ng mga Muslim.Ang Allah ay nagwika:
At iyon ang Aming Katibayan na Aming ipinagkaloob kay Abraham laban sa kanyang mga mamamayan. Itinataas Namin ang sinumang Aming nais (na itaaas) sa mga antas. Katiyakan, ang iyong Panginoon ay Tigib ng Karunungan, ang Lubos na Maalam. At Aming iginawad sa kanya si Isaak at Hakob, bawa′t isa sa kanila ay Aming pinatnubayan at bago pa man siya, Aming (naunang) pinatnubayan si Noah at kabilang sa kanyang mga supling ay sina David, Solomon, Job, Joseph, Moses at Aaron. Sa gayon Namin ginagantimpalaan ang mga Al-Muhsinun (mapaggawa ng kabutihan). At si Zakarias at Juan at si Hesus at si Elias, bawa′t isa sa kanila ay (nasa hanay ng) matutuwid. At si Ishmael at Elisha at Jonas at Lot, at bawa′t isa sa kanila ay hinirang nang higit sa lahat ng ′Alamin (sa kanilang panahon). At gayon din ang ilan sa kanilang mga ninuno at kanilang mga supling at mga kapatid, sila ay Aming pinili at sila ay Aming pinatnubayan sa Matuwid na landas. (6:83-87)
Ang Allah ay nagwika:
At banggitin sa Aklat (ang Qur’an) si Moses. Katotohanan, siya ay isang hinirang (pinili) at siya ay isang Sugo (at) isang Propeta. (19:51)
Ang Allah ay nagwika:
O Moses, ikaw ay aking pinili nang higit kaysa sa mga tao sa (pamamagitan ng) Aking mga mensahe at sa (pamamagitan ng) Aking tuwirang pakikipag-usap (sa iyo). Kaya, iyong panghawakan ang anumang Aking ipinagkaloob sa iyo at ikaw ay maging isa sa mga mapagpasalamat. (7:144)
Ang Allah ay nagwika:
Pagkaraan, Aming ipinagkaloob kay Moses ang Aklat (Taurat) upang gawing ganap ang kagandahangloob sa isang gumawa ng matuwid (Moses), at bilang isang masusing paliwanag sa lahat ng bagay, at bilang isang Patnubay at Habag upang sila’y maniwala sa pagharap sa kanilang Panginoon. (6:154)
Ang Allah ay nagwika:
At tunay nga na Aming ipinadala si Moses dala ang Aming mga Tanda (himala, kapahayagan,babala at aral) (na nagsasabing): «Dalhin mo ang iyong mamamayan mula sa kadiliman tungo sa liwanag, at paalalahanan sila sa mga Biyaya (Pagpapala) ng Allah. Katotohanan, naririto ang mga Tanda sa bawa′t matiisin, mapagpasalamat (na tao).. (14:5)
Ang Allah ay nagwika:
At nang sabihin ng mga anghel: “O Maryam (Maria)! Katotohanan, ikaw ay pinili ng Allah, ginawang dalisay (mula sa Shirk [pagbibigay katambal sa Allah]) at ikaw ay pinili nang higit sa mga kababaihan ng Alamin (lahat ng nilikha).’ (3:42)
Katotohanan! Ang kahalintulad ni Hesus sa (paningin ng) Allah ay katulad ni Adam. Siya ay Kanyang nilikha mula sa alabok pagkaraan (ang Allah) ay nagsabi:”Kun (Maging!) Fayakun (at nangyari nga). (3:59)
Ang Allah ay nagwika:
O Angkan ng Kasulatan! Huwag lumampas sa hangganan ng inyong pananampalataya, at huwag magsabi ng anuman tungkol sa Allah maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas Hesus, anak ni Maria, ay (hindi hihigit sa) isang Sugo ng Allah at ang Kanyang Salita (Mangyari, at nangyari nga!) na Kanyang ipinagkaloob kay Maria at ang kaluluwang nilikha Niya. Kaya maniwala sa Allah at sa Kanyang mga Sugo. Huwag sabihin ang: “Tatlo (Trinidad)!” Magtigil (kayo)! Higit na mainam ito para sa inyo. Dahil ang Allah ay (ang tanging) Isang Ilah (Diyos), sadyang napakalayo sa Kanyang Kabanalan (at Kaluwalhatian) ang pagkakaroon ng anak. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng lahat ng nasa mga kalangitan at ng lahat ng nasa kalupaan. At ang Allah ay Sapat bilang Tagapamahala ng lahat ng mga pangyayari. (4:171)