Ang mga Karapatan sa Islam
Ipinag-uutos ng Islam sa mga tagasunod nito ang pagbibigay ng tamang karapatan sa tao. Sa mga magulang, mga asawa, mga anak, kapitbahay; silang lahat ay binigyan ng partikular na karapatan na naaayon sa partikular nilang ginagampanan sa lipunan. Sa pamamagitan nito, ang pagkakaisa ay pinatatatag at pinalalakas sa bawa′t isa sa pamayanang Muslim. Ipinalalaganap nito ang pagmamahal at pagkakaisa at hinahadlangan nito ang pagkawatak-watak ng lipunan.
Ang Islam at Kayamanan
Sa Islam, ang lahat ng kayamanan ay pag-aari ng Allah na ipinagkatiwala sa tao. Ito ay may kaakibat na pananagutan. Kailangang kitain ito at gugulin ayon sa mga pinahihintulutang paraan, katulad ng paggugol nito sa mismong sarili at sa lahat ng nasa kanyang pananagutan, nang walang pagmamalabis at pag-aksaya
Ang Islam at mga Kababaihan
Sa Islam, ang mga kalalakihan at kababaihan ay magkaiba at ang bawa′t isa ay may kanya-kanyang gampanin. Sa Islam, ang pagbibigay dangal at galang sa mga kababaihan ay isang tanda ng kabutihan, kaaya-ayang asal at likas na magandang pag-uugali. Ang Sugo ay nagsabi: “Ang pinakamahusay sa inyo ay yaong pinakamabuti sa kanilang mga asawa.” (Tirmidhi) Ang mga kababaihan ay siya ring unang dapat pagpakitaan ng mga kalalakihan ng gawaing matuwid, pagpapanatili ng ugnayan, at mabuting pagtrato. Isang lalaki ang nagtanong sa Sugo na si Muhammad kung sino ang unang dapa′t niyang bigyan ng pinakamahusay na pakikitungo at paggalang, ang Sugo ay sumagot: “Ang iyong ina.” Muli siyang nagtanong: “At pagkatapos sino?” Ang Sugo ay sumagot, ‘ang iyong ina.’ At siya’y muling nagtanong: “At pagkatapos sino?” Siya’y nagsabi ‘Ang iyong ina.’ At siya ay muling nagtanong sa huling pagkakataon: “At pagkatapos sino?” Siya’y nagsabi: ‘Ang iyong ama.’ (Bukhari)