Upang maging isang Muslim, hindi kailangan ang pagganap ng mga partikular na ritwal o kaugalian, saan man o kanino man ito gaganapin. Ito ay sa dahilang sa Islam, ang isang tao ay may tuwirang ugnayan sa kanyang Panginoon nang walang tagapamagitan. Sa paniniwala at pagbibigay-saksi na walang tunay na diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah at si Muhammad ay Kanyang Sugo at alipin, ang sinuman ay magiging Muslim. Sa kanyang matapat na pagsambit sa pangungusap na ito, ang nakaraan niyang mga kasalanan ay patatawarin ng Allah
Sinabi ng Allah:
Emaliban sa mga nagsisisi at gumagawa ng mabubuti, para sa kanila’y papalitan ng Allah ang kanilang mga kasalanan ng mga kabutihan. At ang Allah ay Lagi nang Mapagpatawad, ang Mahabagin. (25:70)
Magsisimula ka ng bagong buhay bilang isang Muslim, isang sumusuko sa kalooban ng Allah. Hinggil sa mga di-Muslim na yumakap sa Islam, makakamtan nila ang dobleng gantimpala dahil sa kanilang paniniwala sa kanilang mga Sugo at gayundin sa kanilang paniniwala kay Propeta Muhammad
Sinabi ng Allah:
Sa kanila na Aming ibinigay ang Kasulatan (Torah at Ebanghelyo, atbp.) bago pa ito (Qur’an) at naniwala rito, at kapag ito ay binabasa sa kanila, sila’y nagsasabi: ‘Naniniwala kami rito. Katotohanan ito ay mula sa aming Panginoon. Tunay, kahit bago pa dumating ito kami ay kabilang sa mga sumusuko sa kalooban ng Allah sa Islam bilang mga Muslims.’ Sa kanila’y ibibigay ang gantimpala ng dalawang beses sapagka’t sila’y matiisin at itinataboy ang kasamaan (sa pamamagitan ng paggawa) ng kabutihan, at gumugugol (sa kawanggawa) mula sa Aming ipinagkaloob sa kanila. (28:52-54)
Karagdagan dito, pinapawi ng Allah ang lahat ng kasalanan na kanilang nagawa bago nila tinanggap ang Islam. Sinabi ng Propeta . “Pinapawi ng Islam ang lahat (ng kasalanang nagawa) bago ito.” (Muslim).