Ang Banal na Qur′an Tungkol sa Tindi ng Hangin (Air Pressure)


Ang Banal na Qur′an Tungkol sa Tindi ng Hangin (Air Pressure)

Ang Allah ay nagwika:
At sinumang naisin ng Allah upang patnubayan, Kanyang binubuksan ang kanyang dibdib sa Islam; at sinuman ang hinayaan Niyang maligaw, Kanyang ipinipinid at hinihigpitan ang dibdib nito, na tila ba siya ay umaakyat patungong himpapawid. Sa ganito inilalagay ng Allah ang poot sa mga di-naniniwala. (6:125)


Mahihinuha sa talatang ito na habang ang isang tao ay patuloy na pumailanlang sa kalawakan, higit siyang mahihirapang huminga dahil sa kabawasan ng pressure at pagbaba sa antas ng oksiheno (oxygen). Ang mga bagay na ito ay hindi mapatutunayan ng sinuman malibang siya ay pumailanlang sa kalawakan. Ang kaganapang ito ay natuklasan lamang makaraang ang tao ay matuto sa paglipad (sa pamamagitan ng makabagong sasakyang panghimpapawid) at umabot sa mataas na lugar (ng kalawakan).

Kapag ang isang tao ay pumailanlang sa kalangitan nang lampas sa walong kilometro mula sa kapantayan ng dagat o ang tinatawag na sea level, siya ay makararanas ng problema sa paghinga, dala ng kakulangan sa oksiheno(oxygen) at mahinang air pressure. Ang kadalasang problemang nakahaharap ay hypoxia – ang kakulangan ng dami ng oksiheno upang maabot ang himaymay ng katawan ng tao. Ang isa pang problema na maaaring makaharap ay dysbarism – isang sali-salimuot na sintomas sanhi ng paglantad ng katawan sa napakababa at mabilis na pagpapalit ng air pressure.20 Ang dalawang suliraning ito ay maaaring magpabago sa normal na paggalaw ng katawan ng tao. Kaya naman, ang kahirapan sa paghinga mula sa mataas na antas ay maaaring ipaliwanag nang payak katulad ng mga likas na hakbang na ginagawa ng katawan ng tao upang maprotektahan ang sarili nito.