Ang Islam at ang Kaalaman

Ang Islam at ang Kaalaman  

ng Relihiyong Islam ay nag-aanyaya sa lahat ng tao upang maghanap at magdagdag ng kaalaman, pinupulaan nito ang kamangmangan at nagbibigay-babala ito laban sa pagtalikod sa pag-aaral. Ang Allah ay nagwika:  Itataas ng Allah sa antas ng sinuman sa inyo na (tunay na) mananampalataya at yaong mga pinagkalooban ng kaalaman. (58:11)


Itinuturing ng Islam na ang paghahanap ng kaalaman, pagsisikap na matuto, at pagtuturo ng kaalaman ay isang paraan upang makapasok sa Jannah (Paraiso). Ang Sugo ng Islam na si Muhammad  ay nagsabi: “Sinumang maghanap ng kaalaman patungo sa landas ng Allah, ang Allah ay gagawing madali para sa kanya ang daan patungo sa Paraiso.” (Abu Dawud)

 

Ipinagbabawal ng Allah ang pagtatago ng kaalaman, sapagka’t ito ay isang tungkulin ng bawa′t isa na hanapin. Ang Sugo ng Islam na si Muhammad  ay nagsabi: “Sinumang magtago ng kaalaman ay bubusalan ang kanyang bibig ng isang busal ng Apoy sa Araw ng Pagbabangong-Muli.” (Ibn Hibbaan)

 

Kinikilala ng Islam nang may mataas na paggalang ang mga paham at inuutusan nito ang mga Muslim na bigyan sila ng kaukulang pitagan. Ang Sugo ng Islam na si Muhammad ay nagsabi:“Hindi kabilang sa aking mga tagasunod, ang sinumang hindi marunong gumalang sa nakatatanda sa kanya, yaong hindi marunong magpakita ng habag sa nakababata sa kanya, at yaong hindi marunong magbigay ng kaukulang pitagan sa mga pantas.” (Ahmad)

 

Ang Sugo na si Muhammad  ay ipinabatid sa atin ang katayuan at kalagayan ng mga pantas (ng Islam) sa pamamagitan ng kanyang mga sinabi: “Ang kahusayan ng mga pantas (ng Islam) sa mga karaniwang tao ay katulad ng aking kahusayan sa pinaka-karaniwan sa inyo.” (Tirmidthi)