Dinala ni Abraham si Hagar at ang kanyang anak na si Ishmael sa isang lugar na malapit sa Ka′bah (sa Makkah). Iniwan sila sa lilim ng isang puno sa may pook ng Zamzam. Wala pang naninirahan noon sa lugar ng Makkah, gayunpaman iniupo sila ni Abrahaim doon at binigyan ng ilang datiles at tubig sa isang maliit na sisidlang gawa sa balat ng hayop. At pagkaraa’y humayo na siya pabalik sa pinangalingang tirahan. Sinundan siya ni Hagar at nagsabi: “O Abraham! Saan ka pupunta! Wala kaming makakasama dito, ni walang anumang mapagtutuunan.” Inulit niya ito nang maraming beses kay Abraham, nguni′t hindi siya nilingon ni Abraham. At sinabi ni Hagar kay Abraham: “Iniutos ba sa iyo ng Allah upang gawin mo ito?”At siya ay sumagot: ‘Oo!’ At sinabi ni Hagar, ‘Kung gayon, hindi Niya kami pababayaan.’ At si Abraham ay nagpatuloy sa paglalakad at nang makarating siya sa isang burol na kung saan siya ay hindi na nila (Hagar at Ishmael) nakikita, humarap siya sa direkyon ng Ka′bah at nanalangin sa Allah na nagsabi:
O aming Panginoon! Itinira ko ang ilan sa aking lipi sa isang tigang na lambak na malapit sa Iyong Banal na Bahay (ang Ka′bah sa Makkah) upang sila ay magtatag ng Salaah. Kaya, punuin ng pag-ibig ang mga puso ng ilang tao sa pagmamahal sa kanila at (O Allah) igawad sa kanila ang mga prutas upang sila ay maging mapagpasalamat.. (14:37)
Pinasuso ni Hagar si Ishmael at pinainom ng tubig na kanyang dala. Nang maubos na ang tubig, di naglaon siya at ang kanyang anak ay inabot ng matinding pagka-uhaw. Nakita ni Hagar ang paghihirap ng kanyang anak habang ito ay umiiyak. Kaya siya ay tumakbo sa pinakamalapit na burol, at ito ang burol ng as-Safa. Tumindig siya dito at tumingin sa paligid nang may pag-asang makakita ng sinuman, nguni′t wala siyang nakita. Siya ay bumaba at nang makarating sa kapatagan, inililis ang laylayan ng kanyang bata (robe) at tumakbong katulad ng isang taong labis ang pangamba. Hanggang sa makarating siya sa isa pang burol na ang pangalan ay alMarwa. Siya ay tumitig nang mabuti sa kanyang paligid sa pag-asang makakita ng sinuman, subali′t wala pa rin. At inulit niya pag-akyat-panaog, paglakad at pagtakbo sa pagitan ng dalawang burol nang pitong beses.
Si Ibn Ab′bas ay nagsabi: Ang Propeta ay nagsabi, “Ito ang pinagmulan ng mga tradisyon ng Sa′ee (ang paglakad at pagtakbo) sa pagitan ng dalawang burol ng as-Safa at al-Marwa. At nang makarating na si Hagar sa burol ng al-Marwa (sa huling pagkakataon) nakarinig siya ng tinig, siya ay huminahon at pinakinggan niya ito nang mabuti. Muli niyang narinig ang tinig at siya ay nagsabi, ‘Sino ka man, itinulot mong marinig ko ang iyong tinig, mayroon ka bang maitutulong sa akin?’ At masdan! Nakita niya ang isang anghel sa may pook ng Zamzam na tinatapik-tapik ang lupa sa pamamagitan ng kanyang mga pakpak hanggang sa bumulwak ang tubig sa lugar na iyon. Nagmadali si Hagar upang lagyan ng harang ang tubig sa paligid nito. Napuno niya ng tubig ang kanyang sisidlang-balat. Dagdag pa ng Propeta , ipagkaloob nawa ng Allah ang Kanyang Habag sa ina ni Ishmael! Kung hinayaan lamang niya ang pag-agos ang Zamzam at hindi niya ito pinigilan upang lamnan ang sidsidlang-balat, malamang na naging isang batis ang Zamzam na aagos sa buong mundo.” (Bukhari)