Ang Islam at Kayamanan

Ang Islam at Kayamanan

Sa Islam, ang lahat ng kayamanan ay pag-aari ng Allah na ipinagkatiwala sa tao. Ito ay may kaakibat na pananagutan. Kailangang kitain ito at gugulin ayon sa mga pinahihintulutang paraan, katulad ng paggugol nito sa mismong sarili at sa lahat ng nasa kanyang pananagutan, nang walang pagmamalabis at pag-aksaya. Ang Sugo ng Islam na si Muhammad  ay nagsabi: “Ang isang alipin ay hindi na makahahakbang pa sa Araw ng Paghuhukom hangga′t hindi siya dadaan sa pagsusulit (sa mga sumusunod na bagay): ang kanyang oras at kung paano niya ito ginugol, ang kanyang kaalaman at kung paano niya ito ginamit, ang kanyang kayamanan at kung paano niya ito kinuha at ginugol, at ang kanyang kabataan at kung papaano niya ito pinalipas.” (Tirmidhi) Kinakailangan ring magamit ito sa mabuti at tamang pamamaraan. Ang Allah ay nagwika:


Hindi isang kabutihan at pagiging matuwid na ibaling mo ang iyong mukha sa dakong silangan at kanluran (sa pagdarasal) subali’t, ang tunay na kabutihan at pagiging matuwid ay (isang katangian na) maniwala sa Allah, at sa Huling Araw, sa mga Anghel, sa Aklat, at sa mga Propeta at sa mga namamahagi ng yaman sa kabila ng pagmamahal dito para sa mga kamag-anakan, sa mga ulila at sa mga dukha at sa mga naglalakbay at yaong humihingi (ng tulong) at yaong nagpapalaya ng mga alipin, (2:177)