Ang Islam at ang Pagpupunyagi

Ang Islam at ang Pagpupunyagi

Ang isa sa pinakamaling pang-unawa sa mga Islamikong salita ay ang Jihad. Sa kasamaang-palad ang salitang Jihad ay ginagamit sa maling paraan at dahil dito’ y marami sa tao ang nag-uugnay nito sa digmaan at terorismo. Ayon sa agham-wika ng wikang Arabik, ang kahulugan ng salitang Jihad ay pagpupunyagi, maging sa mabuti man o sa masama. Ang pangkalahatang kahulugan nito ay pagpipigil sa sarili, pagtutol sa pang-aapi at pag-uusig, o pagharap sa isang diktador.

Ang Jihad ay nangangahulugan din ng pagsisikap na militar. Ito ay makikita bilang huling pagsisikap upang wakasan ang paglapastangan sa karapatan ng iba, o kaya’y sugpuin ang anumang pananalakay. Maging sa panahon ng digmaan, ang mga Muslim ay inuutusang pangalagaan ang kanilang moralidad. Ang anumang uri ng matinding pagpapahirap ay ipinagbabawal. Ang pananakit sa mga sibilyan, kababaihan, mga kabataan at mga matatanda ay mahigpit ding ipinagbabawal sa panahon ng digmaan.

Ang Sugo ng Allah, na si Muhammad ay nagsabi:

“Makipaglaban kayo sa Ngalan ng Allah, at para sa landas ng Allah… huwag kayong sisira sa anumang napagkasunduan, huwag mamutol ng anumang bahagi ng katawan, at huwag paslangin ang mga bata.” (Muslim)

Ipinagbabawal din sa Islam ang pagwasak o paglapastangan sa mga pook-sambahan, pagpatay o pananakit sa mga hayop at ang paninira sa mga puno.

Noong nagkaroon ng labanan sa pagitan ng mga Muslim at di-Muslim, si Abu Bakr, ang unang Kalipa ng Propeta ay nagbigay-payo sa kanyang mga komander at nagsabing:

“Pinag-uutusan ko kayo ng sampung bagay na dapat ninyong isapuso: Huwag magtaksil, mandaya (sa pamamagitan ng pagnanakaw ng mga labi ng digmaan), o sumira sa kasunduan. Huwag mamutol ng anumang bahagi ng katawan, huwag pumatay ng mga kababaihan, kabataan, o matatanda. Huwag bunutin o sunugin ang mga punong datiles. Huwag putulin ang mga punong-kahoy na namumunga, huwag pumatay ng mga tupa, baka o kamelyo malibang ito ay inyong kakainin. Makatatagpo kayo ng mga taong nasa loob ng kanilang monasteryo, kaya iwanan at pabayaan sila sa kanilang pananampalataya.” (Tabari, Vol.3)

Ang Propeta ay nagsabi sa kanyang mga kasamahan ng ang pinakamainam na Jihad (pagpupunyagi) ay ang Jihad laban sa pagkamakasarili.